Malinaw na hindi maaaring gamiting rason ng mga taga-Pharmally Pharmaceutical Corporation ang Data Privacy Act upang tumangging isiwalat ang mga mahahalagang impormasyon at dokumento sa Senate Blue Ribbon Committee.
Ito ang inihayag ni Committee Chairman at Senator Richard Gordon makaraang igiit ni Commissioner Raymund Enriquez Liboro ng National Privacy Commission na ang batas sa Data Privacy Rights ay hindi maaaring i- invoke para makaiwas sa legal proceedings.
Ayon kay Gordon, isang patunay ang pahayag ni Liboro upang matuldukan na ang mga pagtatalo kung ang mga humaharap sa imbestigasyon ng kumite ay maaaring magtago sa batas na nagpo-protekta sa Data Privacy Rights.
Sa inilabas anyang official statement ni Commissioner Liboro, hindi ipinagbabawal ng batas ang paglalabas ng personal o sensitibong impormasyon kung kailangan bilang pagtalima sa subpoena ng nag-iimbestigang government body.
Madalas na ginagamit na dahilan ng mga taga-Pharmally ang data privacy act sa pagtanggi na ibulgar ang mga hinihinging impormasyon at dokumento ng mga senador sa nakalipas na hearing.
Una nang ipinaka-contempt at pina-aaresto ang magkapatid na Mohit at Twinkle Dargani dahil sa pagtangging magsiwalat habang ang nakakulong sa senado na si Pharmally Director Linconn Ong ay paulit ulit na idina-dahilan ang “trade secret” sa pagtangging isiwalat ang mga impormasyon. — sa ulat ni Cely Bueno (Pat. 19) at sa panulat ni Drew Nacino