Pansamantalang nakalaya ang isa sa pangunahing akusado sa 2009 Maguindanao Massacre na si dating Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan.
Ito, ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesman Xavier Solda, ay upang dumalo sa kasal ng kanyang anak na babae.
Pinayagan aniya ng Korte na makadalo si Ampatuan sa kasal ng anak sa Sofitel Hotel, Pasay City, simula alas-4:00 ng hapon hanggang alas-7:00 kagabi.
Bago mag-alas-7:00 ay nakabalik na ang dating gobernador sa kanyang selda sa Quezon City Jail Annex sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
November 23, 2009 nang pagbabarilin ng mga tauhan umano ng mga Ampatuan ang 58 katao kabilang ang ilang miyembro ng kanilang kaaway sa pulitika na pamilya Mangudadatu at 32 mamamahayag.
—-