Tuluyan nang dinismiss sa serbisyo ng Office of the Ombudsman si dating Autonomous Region In Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan dahil sa mali nitong pagdedeklara ng mga ari-arian sa kanyang SAL-N o Statement of Assets Liabilities and Networth.
Lumalabas sa isinagawang lifestyle check ng Ombudsman na hindi inilagay ni Ampatuan sa kanyang SAL-N ang 14 real estate properties na nagkakahalaga ng higit sa P12 milyon, 15 sasakyan na aabot sa higit P25 milyon, at 26 armas na nagkakahalaga naman ng halos P6 milyon.
Ngayong hindi na si Ampatuan ang naka-upong gobernador ng ARMM, inutusan na lang ito ng Ombudsman na magmulta katumbas ng suweldo niya sa buong taon.
Dahil sa pagkakasibak kay Ampatuan, hindi na siya puwedeng humawak ng anumang posisyon sa gobyerno at hindi na rin nito matatanggap ang kanyang mga benepisyo.
By Meann Tanbio | Jill Resontoc (Patrol 7)