INABSWELTO ng Sandiganbayan sa kasong ‘falsification of public documents’ ang mga dating opisyal at miyembro ng Philippine Army na may kaugnayan sa umano’y maanomalyang pagbili ng higit 5 milyong pisong halaga ng military uniforms noong 2003.
Kabilang sa mga nilinis ng anti-graft court sina dating Army commanding general Lt. Gen. Gregorio Camiling Jr., dating Army Support Command Commanding Officer Brig. Gen. Severino Estrella, at mga miyembro ng Bids and Awards Committee o BAC na sina Col. Cesar Guzman Santos, Col. Jessie Mario Dosado, Col. Barmel Zumel, Capt. George Cabreros, chief accountant Rolando Minel, Col. Cyrano Austria, at Atty. Editha Santos.
Sa desisyon, binanggit na nabigo ang prosekusyon na patunayan na nabigyan ng ‘undue advantage’ o pabor ang ‘Dantes Executive Menswear’ matapos maigawad dito ang higit limang milyong pisong halaga ng kontrata para sa iba’t ibang combat clothing and individual equipment o CCIE.