Dinipensahan ni retired Archbishop Oscar Cruz ang Simbahang Katoliko laban sa mga pahayag kahapon ni presumptive president Rodrigo Duterte.
Ito ay makaraang tawagin ni Duterte na pinaka-hipokritong institusyon ang simbahan na patuloy na nakikialam sa gobyerno at nanghihingi pa umano ng pabor noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Giit ni Cruz, ang mga natanggap na sports utility vehicle o SUVs ng ilang obispo mula kay Arroyo ay ginamit para sa kawang-gawa.
Sa isyu naman ng pakikialam sa gobyerno, binigyang diin ni Cruz na bagamat mayroong separation of powers sa pagitan ng gobyerno’t simbahan, dapat pa rin aniyang maging bantay ang simbahan laban sa mga maling pamamalakad at anomalya ng gobyerno.
Samantala, iginagalang naman ni Cruz ang pahayag ni Duterte na naniniwala ito sa Diyos ngunit hindi sa relihiyon.
Open to criticisms
Bukas naman aniya ang mga taong simbahan sa mga atake sa kanila.
Ayon kay Cruz, hindi naman itinatanggi ng mga obispo at mga pari na marami silang mga pagkukulang at mga pagkakasala bilang mga tao.
Gayunman, sinabi ni Cruz na dapat ring maging maingat sa pagbibitiw ng pahayag si Duterte at dapat alam nito ang kaibahan ng simbahan sa taong simbahan.
Maaari anyang makasalanan ang mga taong simbahan subalit ang simbahan ay banal, matatag at nag-iisa.
Duterte
Iisa-isahin ni presumptive president Rodrigo Duterte ang anya’y mga sikreto at kasalanan ng mga taong simbahan.
Sinabi ni Duterte na ibubunyag niya ang mga kasalanan ng ilang mga obispo at pari bago sya maupo sa puwesto sa Hunyo 30.
Kabilang anya dito ang mga obispo at pari ng Simbahang Katoliko na nagka-anak.
Ayon kay Duterte, detalyado ang gagawin nyang pagbubunyag dahil ibibigay niya ang pangalan ng mga anak ng pari at obispo at maging kung saan nakatira ang mga ito.
By Ralph Obina | Len Aguirre