Hinatulan ng 6 hanggang 10 taong pagkakabilanggo ng Manila RTC o Regional Trial Court ng dating Barangay Chairman at Treasurer ng Barangay 748, Zone 81 District 5 sa lungsod ng Maynila.
Ito’y makaraang mapatunayan ng Ombudsman na guilty kasong malversation of public funds through falsification of public documents sina dating Barangay Chairwoman Lara Mae Reyes at Treasurer na si Stephanie Belle Manio sa gasoline reimbursement na nagkakahalaga ng 10,000 Piso.
Nadiskubreng nagsinungaling ang dalawang opisyal ng barangay sa pagkubra ng gas P.O. O Purchase Order ng 2,500 Piso kada quarter para sa isang jeepney type barangay patrol vehicle nuong 2004.
Inamin kapwa nina Reyes at Manio na sila ang naghanda at lumagda sa disbursement vouchers at maging sa mga dokumento para sa kini claim na reimbursement at natanggap naman ang nasabing halaga.
Ayon sa Ombudsman, iligal ang ginawang reimbursement ng dalawang opisyal para sa gastusin sa gasolina ng kanilang barangay mobile patrol gayung lumabas sa imbestigasyon na hindi na gumagana ang binanggit nilang sasakyan.
Maliban sa pagkakabilanggo, pinagmumulta rin ang dalawa ng hanggang Dalawanlibo at Limandaang Piso sa bawat kaso o kabuuang Sampung Libong Piso at diskuwalipikado na silang humawak ng alinmang posisyon sa pamahalaan.
By: Jaymark Dagala / Jill Resontoc