Mariing itinanggi ni dating Immigration Port Operations Division Chief Marc Red Mariñas ang akusasyong siya umano ang pinuno ng pastillas group at may malaking kinukubra sa operasyon nito.
Ito ang iginiit ni Mariñas sa kanyang pagdalo sa pagpapatuloy ng Senate Committee on Women’s Investigation hinggil sa ‘pastilla’s scheme kasunod ng bantang ipapa-cite in contempt.
Sa pagtatanong ni Senadora Risa Hontiveros, chairman ng komite, kinumpirma ni Mariñas ang nangyayaring katiwalian sa Bureau of Immigration pero hindi aniya ito kasing lala ng mga ipinaparatang ng mga tumetestigo laban sa kanya.
Ayon kay Mariñas, nakita niyang marami siyang tauhan na naakit na tumanggap ng bayad para sa escorting at VIP service o mabilis na pagpasok ng mga dayuhan sa airport
Nangyari aniya ito mula noong 2017 kung kailan natigil ang pagbabayad sa kanila ng overtime pay kaya nabawasan ng 80% ang kita ng mga tiga-Bureau of Immigration.
Ipinag-alam niya aniya ito sa hepe ng Immigration dahil wala siyang kapangyarihan para magtanggal o magsuspendi at tanging kapangyarihan lamang niya ay magre-assign. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)