Posibleng makasuhan ng Criminal Negligence si dating Internal Revenue Commissioner Kim Henares dahil nagpabaya umano nang hindi kasuhan ang Mighty Corporation, ang kumpanya ng sigarilyo na hindi nagbayad ng buwis at gumamit umano ng pekeng tax stamps.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, pinag-aaralan na nila ang kasong isasampa at nangangalap na rin ng ebidensiya laban sa mga dating opisyal.
Inihayag ni Panelo na sa pagkakaalam niya ay mayroong inihanda noon ang administrasyon na kaso subalit hindi isinampa sa korte.
Malinaw aniya na pino-protektahan nila ang Mighty dahil hindi itinuloy ng BIR ang pagsasampa ng kaso.
Binigyang-diin ni Panelo na dapat si Henares ang magsampa ng kaso bilang pinuno ng BIR noon subalit hindi ginawa kaya’t malinaw na nagpabaya ito sa kanyang tungkulin.
By: Drew Nacino / Aileen Taliping