Ipinaaresto na ng Muntinlupa Regional Trial Court si dating Bureau of Corrections Director Franklin Bucayu at tatlo pang kapwa akusado ni Senadora Leila de Lima.
Kaugnay ito sa isinampang kaso laban sa senadora dahil sa paglaganap ng bentahan ng droga sa New Bilibid Prison o NBP.
Kabilang din sa ipinaaaresto ay sina Wilfredo Elli at Adrian Dera na mga bagman umano ni De Lima at Joelnel Sanchez na dati namang body guard ng senadora.
Sa ipinalabas na kautusan ni Muntinlupa RTC Branch 206 Judge Patria Manalastas de Leon, nakasaad na nakitaan ng probable cause ang mga akusado sa kasong illegal drug trade.
Iginiit din ng korte na dapat nang ipagpatuloy ang pagdinig sa kaso dahil wala nang saysay ang pagtutol nina De Lima at Bucayu sa jurisdiction ng Muntinlupa RTC matapos magpasya ang Korte Suprema.
Samantala, itinakda naman ang arraignment nina De Lima at dating driver bodyguard nito na si Ronnie Dayan na una nang nakakulong sa Disyembre 8 at ni Jaybee Sebastian sa Disyembre 12.
—-