Nasa ligtas na kalagayan si dating Camarines Sur Rep. Rolando Andaya makaraang tambangan ito ng mga hindi pa tukoy na salarin sa bayan ng Pili kaninang umaga.
Ayon kay Bicol PNP Director P/BGen. Jonnel Estomo, nangyari ang krimen mag-aala sais kaninang umaga sa Brgy. Palestina.
Nagmamaneho umano si Andaya ng kaniyang sasakyan sa bahagi ng Maharlika Highway malapit sa EPL General Construction and Supply nang may biglang sumulpot na motorsiklo sakay ang magka-angkas na salarin at duon na siya pinaulanan ng bala.
Narekober sa pinangyarihan ng pananambang ang dalawang basyo ng kalibre 45 baril na ginamit ng mga salarin subalit hindi nito napuruhan o tinamaan si Andaya.
Dahil dito, agad ipinag-utos ni Estomo sa lahat ng mga Police Unit sa kanilang nasasakupan na paigtingin ang seguridad sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng checkpoint.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon hinggil sa insidente ng binuong Special Investigation Team upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at kung ano ang kanilang motibo sa krimen.