Naniniwala si Senator Antonio Trillianes IV na magiging malakas na kandidato ng oposisyon si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa oras na magdesisyon na tumakbo sa 2019 senatorial elections.
Ayon kay Trillianes, miyembro siya ng selection committee para sa mga magiging kandidato ng oposisyon kaya’t isa siya sa kumausap kay Sereno pero binigyan muna nila ito ng sapat na panahon upang makapag-isip.
Bagaman bukas naman sa posibleng pagtakbo, may mga nais pa anyang konsultahin si Sereno bago pinal na magpasya sa pagpasok sa pulitika.
Samantala, kahit nagsabi si dating Interior Secretary Mar Roxas na hindi siya interesadong sumabak muli sa pulitika, patuloy itong ikinukunsidera ng oposisyon.
Tinukoy naman ni Trillanes ang iba pang ikinukunsidera ng oposisyon na maging senatorial candidate ay sina Senator Bam Aquino, dating PCOO Undersecretary Manolo Quezon, Atty. Florin Hilbay, Congressmen Barry Gutierrez, Gary Alejano, dating Congressman Erin Tañada, dating appointee ni Pangulong Rodrigo Duterte at Bangsamoro Transition Commission Member Samira Butoc at mga mang-aawit na sina Jim Paredes, Lea Salonga at Agot Isidro.
—-