Sa edad lamang na dalawang taon, natutunan na ni Zhang Xinyang mula sa China ang mahigit isang libong Chinese characters sa loob ng tatlong buwan.
Nasa primary school siya sa edad na apat. Makalipas ang dalawang taon, nasa fifth grade na siya.
Ipinasok si Zhang sa high school at dumeretso ng third year noong nine years old. At pagtungtong ng 10 years old, tinagurian siya bilang pinakabatang university student sa China.
Dahil sa kanyang katalinuhan, maraming umasang magiging maganda ang kinabukasan ni Zhang. Ngunit ngayong 28 years old na siya, wala na siyang ibang ginawa kundi tumambay at umasa sa suporta ng kanyang mga magulang.
Bago pumasok bilang Ph.D. student sa Beijing University of Aeronautics and Astronautics (ngayon ay Beihang University) sa edad na 16, sinabihan ni Zhang ang kanyang mga magulang na bilhan siya ng sariling apartment sa Beijing. Kung hindi, titigil siya sa pag-aaral.
Aniya, gusto ng mga magulang niya na mag-aral siya sa Beijing, kahit wala naman siyang sariling tirahan doon.
Hirap na ang mga magulang ni Zhang na pag-aralin ang kanilang anak, kaya imposibleng makabili pa sila ng apartment.
Gayunman, ayaw nilang abandonahin nito ang kanyang pag-aaral. Gaya ni Zhang, gifted child rin ang kanyang ama, pero hindi nito natupad ang kanyang mga pangarap dahil sa kakulangan sa pera.
Dahil gusto nilang ibigay ang lahat para sa anak, umupa sila ng apartment sa Beijing at sinabi kay Zhang na binili nila ito.
Ngunit nag-backfire ang plano nila dahil ngayon, hindi na nga nag-aaral o nagtratrabaho si Zhang, sila pa ang ipinagbabayad nito ng renta.
Ayon kay Zhang, pinilit siya ng mga magulang niya na tuparin ang kanilang mga pangarap. Plinano na nila ang kanyang buhay, kahit iba naman ang kanyang gusto.
Dagdag pa niya, ang mga magulang niya pa ang may utang sa kanya dahil ang apartment na bibilhin dapat para sa kanya, nagkakahalaga na ngayon ng $1.4 million.
Hati naman ang opinyon ng mga netizen sa kwentong ito. Ang ilan, pinupuna ang pagiging arogante at kawalang respeto ni Zhang sa kanyang mga magulang; habang para naman sa iba, babala ito sa mga magulang na masyadong pinipilit ang kanilang mga anak sa halip na hayaan na lamang silang i-enjoy ang kanilang kabataan.