Malabo pang makabalik ng Pilipinas si dating Commission on Elections o COMELEC Chairman Andres Bautista dahil umano sa sakit nitong “secondary pulmonary hypertension” na posibleng bunsod ng tinatawag na “obstructive sleep apnea” o problema sa daanan ng hangin habang natutulog.
Ito ang ipinabatid ng kaniyang kapatid na si Dr. Martin D. Bautista, isang gastroenterologist sa Estados Unidos.
Ayon kay Dr. Bautista, madalas na dumadaing ngayon ang kaniyang kapatid ng dyspnea o hirap sa paghinga, madaling mapagod at madalas o labis na antok.
Inirekomenda rin umano nila na huwag munang bumiyahe si Andy ng malayo dahil sa malaking tiyansang magkaroon ito ng fatal blood clot.
Samantala, mariing itinanggi ni Dr. Bautista ang alegasyong nagtatago ang kaniyang kapatid mula sa imbestigasyon ng Senado.
Sinabi ni Dr. Bautista na walang natanggap na subpoena si Andy upang dumalo sa pagdinig ng komiteng pinamumunuan ni Senador Chiz Escudero hinggil sa posibleng paglabag umano nito sa Anti-Money Laundering Law.
Magugunitang ipina-contempt ng Senado ang dating COMELEC Chairman matapos mabigong dumalo nito sa pagdinig sa ika-apat na pagkakataon.
—-