Ikinulong na sa senado si dating Customs Chief Nicanor Faeldon.
Ito ay matapos magmatigas si Faeldon na makibahagi sa pagdinig ng senado ukol sa 6.4 billion-peso na halaga ng shabu shipment na nakalusot sa BOC o Bureau of Customs.
Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chair Richard Gordon, nanindigan si Faeldon na sa Korte na lamang nito sasagutin ang mga akusasyon laban sa kaniya at hindi sa senado.
Nilinaw aniya ni Faeldon na ginagalang niya ang senado bilang isang institusyon maging ang mga mambabatas maliban kina Senador Antonio Trillanes IV at Senador Panfilo Lacson.
Matatandaang si Lacson ang nag-ugnay kay Faeldon sa umano’y korapsyon sa Aduana sa pamamagitan ng privileged speech nito.
Samantala, sinabi ni Gordon na kaniyang kokonsultahin ang mga kapwa niya senador ukol sa magiging kapalaran ni Faeldon.