Nakakulong na sa Pasay City Jail si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon matapos itong ilipat doon kaninang tanghali mula sa piitan niya sa Senado.
Ayon kay Senador Richard Gordon, ang paglilipat kay Faeldon ng piitan ay dahil pa rin sa pagiging ‘arogante’ nito kahapon, Enero 29, sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee hinggil sa katiwalian sa Bureau of Customs (BOC).
Suot ni Faeldon ang kanyang statement black shirt na may nakasulat na ‘Truth is Justice’ nang dumating ito sa Pasay City Jail kaninang 12:00 ng tanghali.
Binigyan naman ng sariling selda si Faeldon at ibinukod sa mga preso na mayroong kinaaanibang pangkat o ‘gang’.
Inanunsyo ni Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon sa kanilang caucus kahapon ng mga senador na unanimous ang desisyon nila na i-contempt si Faeldon kasunod ng hindi nito magandang pag-asal sa pagdinig.
Una dito, matatandaang naghahanap ang Senado ng mapaglilipatan na kulungan para kay dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Batay sa ginawang pag–inspeksyon ng mga tauhan ng senate sergeant – at – Arms kagabi, Enero 29, sa Pasay City Jail, sinabi ni Senate Secretary Atty. Lutgardo barbo na ‘unsanitary’ at posibleng makasama sa kalusugan ni Faeldon kung ipipiit ito sa naturang kulungan.
Ayon kay Barbo, isa sa kanilang mga ikinukunsidera na paglipatan kay Faeldon ay sa Bicutan Jail sa Taguig City.