Tumanggap si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon ng 107 million pesos bilang ‘pasalubong money’ noong manungkulan ito sa Bureau of Customs o BOC.
Ito ang naging pagbubulgar ni Senador Panfilo Lacson matapos umanong lumapit sa kanya si Customs Commissioner Isidro Lapeña bago ang hearing sa Senado at kinumpirmang tutuo ang pasalubong sa mga bagong talagang hepe ng BOC.
Ayon kay Lacson, napag-alaman pa niya kay Lapeña na ang pinagkukunan ng pasalubong money ay mula sa bilyong pisong TCC o Tax Credit Certificates na ibinibigay sa malalaking kumpanya.
Ang TCC ay para rin anyang cash na nagagamit ng malalaking kumpanya para makadiscount sa buwis.
Maging umano si Lapeña noong bago siya ay lumagda na sa mga TCC ngunit agad nitong binawi nang malaman na nanggagaling dito ang welcome gift.
Matatandaang sa privilege speech ni Lacson, isa si Faeldon sa mga pinangalanan ni Lacson na tumanggap ng regalong pera nang maupo bilang hepe ng BOC.
—-