Itinanggi ni dating Budget Secretary Florencio Butch Abad na sadya nilang inilihis ni dating Health Secretary Janette Garin ang mahigit 10.5 bilyong piso na pondo ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Ayon kay Abad, iresponsable ang naturang ulat at tila maituturing din itong paglabag sa journalistic ethics ng mga mamamahayag na nagpahayag nito sa publiko.
Iginiit ni Abad na walang pondong lumabas o nalustay mula sa pamahalaan at mapatutunayan niya ang mga ito sa pamamagitan ng mga inilabas na dokumento ng Department of Budget and Management o DBM.
Batay sa mga dokumentong hawak ni Abad, inilagay ang pondong nagkakahalaga ng mahigit 5 bilyong piso para sa pagtatayo ng rural health units, barangay health stations at urban health centers.
Maihigit 3 bilyong piso naman aniya ang ginamit para sa Philhealth accreditation habang mahigit 600 milyong piso naman para sa pagbili ng mahigit 160 mobile units na pawang mula sa savings ng pamahalaan.
Nakalaan aniya ang naturang pondo para sa suweldo at benepisyo ng mga kawani ng pamahalaan na hindi naman nagamit kaya’t malinaw aniyang ito’y mapupunta na sa savings ng gobyerno.
—-