Tiwala si dating defense Secretary Gilbert Teodoro na magiging isang mabuting Pangulo ng bansa si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Ayon kay Teodoro, nagkaroon siya muli ng pagkakataong makita ang alkalde sa pamamagitan ni dating Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. na kaniyang kinokonsulta ngayong maraming nagsasabi na dapat na siyang muling magserbisyo publiko.
Ani Teodoro, hanga siya sa galing ng alkalde pagdating sa pagsagot hinggil sa iba’t-ibang usapin.
Nakikita rin niya umano ang kakayahan ni Sara na pagka-isahin ang maraming Filipino, pagkakaroon ng malayang pag-iisip at husay pagdating sa pamamahala gaya ng ginawa nito sa Davao City.
Dagdag pa ni Teodoro, alam ng alkalde ang mga dapat gawing prayoridad gaya ngayon na mahalagang mabakunahan ang lahat nang sa ganun ay makabangon muli ang ekonomiya.
Kaya kumpiyansa umano si Teodoro kay Sara at handang sumuporta at kahit pa maging Bise Presidente nito sakaling mapagdesisyunan ng alkalde.