Patuloy na tinutugis ng mga pulis ang dating driver ni Senador Leila de Lima na si Ronnie Dayan kahit pa walang natatanggap na kopya ng arrest warrant.
Ayon kay Pangasinan Acting Provincial Police Director, Senior Supt. Ronald Lee, huling nakita si Dayan sa hometown nito sa Urbiztondo, tatlo o apat na linggo na ang nakalilipas.
Hindi rin anya nakikita si Ronnie sa kanilang bahay sa barangay Galarin at tiyak namang itatago ito ng kanyang pamilya.
Bineberipika na rin ang mga ulat na tumuloy si Dayan sa Mangatarem kasama ang girlfriend na kanyang kapitbahay.
Base sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, hindi na naninirahan sa Urbiztondo ang asawa ni Ronnie at hindi pa annulled ang kanilang kasal.
Umapela naman sa mga awtoridad ang pamilya ni Dayan.
Aminado ang asawa ni Dayan na hindi niya batid kung nasaan ang mister at iginiit din ni wala itong relasyon kay De Lima.
Tumanggi ring magsalita ang misis ni Ronnie sa illegal drugs trade sa New Bilibid Prison na kinasasangkutan umano nito.
Magugunitang ipina-cite for contempt at ipinag-utos ng Kamara ang pag-aresto kay Dayan dahil sa kabiguan nitong na humarap sa imbestigasyon ng House Committee on Justice hinggil sa illegal drug trade sa Bilibid.
De Lima’s nephew?
Samantala, isinailalim na sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sinasabing pamangkin ni Senador Leila de Lima na sangkot din umano sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison, Muntinlupa City.
Ayon kay Supt. Amante Daro ng Manila Police District Station 11, inimbitahan nila si Jose Adrian Dera, alyas Jad noong Lunes ng gabi upang magsilbing police asset na nakaaalam ng drug trade at drug personalities sa Binondo.
Gayunman, napag-alaman nila na kabilang si Dera sa walong kinasuhan ng drug trafficking dahil sa bilibid drug trade kaya’t agad itinurn-over si Jad sa NBI.
Magugunitang kabilang si Dera sa mga binanggit sa hearing sa kamara ng high-profile inmate na si Hans Tan na may papel sa mga iligal na transaksyon sa NBP.
Bukod kay De Lima, kabilang din si Jad sa mga inilagay sa Immigration lookout bulletin ng Department of Justice.
By Drew Nacino