Isinugod sa isang government hospital sa Muntinlupa City ang convicted mass murderer na si dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan matapos magkaroon ng seizure.
Ayon kay Bureau of Corrections assistant secretary Gabriel Chaclag, kinailangang isailalim sa mga pagsusuri si Ampatuan na hindi kayang isagawa sa New Bilibid Hospital na kasalukuyang under construction.
Magugunitang nakaranas ng stroke ang dating gobernador habang nasa kustodiya ng Bureau of Jail and Management Penology.
Gayunman, ito ang unang beses na isinugod sa ospital si Ampatuan simula nang ilipat sa Bilibid.
Disyembre 2019 nang hatulang guilty sa kasong 57 counts of murder kaugnay sa Maguindanao massacre si Ampatuan at kanyang kapatid na si dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. — sa panulat ni Drew Nasino.