Patay ang dating hepe ng Jolo, Sulu Police matapos pagbabarilin ng ‘di pa nakikilalang salarin sa Barangay Macabiso, Sultan Mastura, Maguindanao.
Batay sa initial report mula sa Maguindanao Police Provincial Office, kapaparada lang ni Police Lieutenant Colonel Walter Annayo ng kanyang sasakyan sa Narciso Ramos Highway para sa bumili ng buko juice nang mangyari ang krimen.
Dinikitan umano ito ng isang lalaki na lulan naman ng isang kulay puting Toyota Fortuner bago pinagbabaril sa iba’t ibang parte ng katawan.
Makaraang maisakatuparan ang pamamaslang ay agad na tumakas ang salarin sa ‘di pa matukoy na direksiyon.
Matatandaang sinibak si Annayo kasama ang siyam niyang mga tauhan nang masangkot sa pamamaril sa apat na sundalo noong ika-29 ng Hunyo sa Jolo.