Inanunsyo ni former house of representatives Deputy Speaker Raneo Abu na positibo ang resulta ng kanyang COVID-19 test.
Sa kanyang facebook post, sinabi nito na noong nakalipas na March 25, araw ng Huwebes, sumailalim sya at ang kanyang pamilya at mga office staff sa RT-PCR test.
Agad naman aniyang lumabas kinabukasan ang resulta ng kanilang test kung saan hindi umano nito inaasahan na magpopositibo sya sa COVID-19.
Sinabi ng mambabatas na sa ngayon ay naka-quarantine na sya sa isang isolation facility.
Bunsod nito, hinimok ni Abu ang lahat ng kanyang nakasalamuha noong mga nagdaang araw na sumunod sa quarantine protocol na itinakda ng Department of Health (DOH).
Samantala, kapwa naman nagnegatibo sa kanilang RT-PCR test ang kanyang asawa at anak.
Humiling naman ng dalangin ang kongresista upang malabanan at malampasan aniya nito ang pagsubok na kanyang kinakaharap ngayon.
Base ulat ng DOH, umabot na sa 712,442 ang confirmed COVID-19 cases sa bansa, kungsaan 581,161 dito ang gumaling na at nasa 13,159 naman ang pumanaw.