Pumanaw na sa edad na 74 si dating House Speaker Arnulfo “Noli” Fuentebella.
Kinumpirma ito ng anak ni Fuentebella na si Camarines Sur 4th District Representative Arnie Fuentebella sa pamamagitan ng isang Facebook post.
Ayon sa nakababatang Fuentebella, nasawi ang kanyang ama, kahapon ng umaga dahil sa heart failure matapos ng dalawang taong pakikipaglaban sa kidney disease.
Kasabay nito, nagpaabot ng pakikiramay ang Malacañang sa naulilang pamilya, kaibigan at kasamahan sa trabaho ni Fuentebella.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi malilimutan ng mga residente ng Camarines Sur at maging ng buong bansa ang panahon at pagsisikap ni Fuentebella para mapabuti ang sitwasyon sa kanyang minamahal na distrito.
Naluklok si Fuentebella bilang house speaker noong Nobyembre 2000 kapalit ni Manny Villar na pinatalsik matapos aprubahan at iakyat sa senador ang articles of impeachment laban kay dating pangulong Joseph Estrada.
Enero 24, 2001 nang matanggal din si Fuentebella sa house speakership kasabay ng pagpapatalsik kay Estrada bilang pangulo.