Inaresto ng National Bureau of Investigation si dating Iloilo Provincial Administrator Manuel “Boy” Mejorada dahil sa kasong cyber-libel na isinampa ni Senador Franklin Drilon.
Nasakote si Mejorada sa bahay nito sa Iloilo City sa bisa ng warrant of arrest ng Pasay City Regional Trial Court Branch 118.
Ayon sa NBI, napatunayang guilty ng korte ang akusado noong 2017 at hinatulang makulong ng 2 hanggang 4 na taon.
Kaugnay ito sa inilathala ni Mejorada sa social media at column sa diyaryo kung saan inakusahan nito ang senador na sangkot umano sa mga maanomalyang proyekto sa Iloilo City, gaya ng Iloilo Convention Center at Iloilo Circumferential Road.
Naganap ang akusasyon noong Senate President pa si Drilon sa ilalim ng administrasyon ng yumao at dating Pangulong Noynoy Aquino.
Bagaman umapela si Mejorada sa Court of Appeals, pinagtibay ng Supreme Court ang desisyon ng Pasay RTC noong 2019. —sa panulat ni Drew Nacino