Posibleng maharap sa kasong paglabag sa Medical Secrecy Law ang isang dating Konsehal ng San Jose del Monte City sa Bulacan.
Ito’y dahil sa naging pagbubunyag nito ng detalye kaugnay sa isang Person Under Investigation sa lungsod dahil sa 2019 Coronavirus Disease (COVID-19).
Makikita sa larawan ang post ni dating Konsehal Irene Bonita del Rosario sa Social Media na bumabatikos sa pamunuan ng isang Ospital ng lungsod na pinayagang maka-uwi ng mga medical staff nito ang nasabing pasyente.
“Nasaan na ang pasyente na ito? Napuntahan na ba ang bahay niya sa Muzon?” saad ni del Rosario sa kaniyang FB post.
Maliban dito, idinetalye rin ni del Rosario ang address ng nasabing pasyente na siyang dahilan kaya’t umani ito ng kaliwa’t kanang batikos mula sa Netizen.
Salig sa umiiral na Medical Information Secrecy law, may karapatan ang bawat indibiduwal na huwag isapubliko ang anumang impormasyon kabilang na ang pangalan at address lalo pa’t nagtataglay ang mga ito ng maselang karamdaman.