Humihingi ng go signal sa Sandiganbayan si dating Makati City Mayor Elenita Binay para makapag-biyahe sa Israel para sa isang pilgrimage sa susunod na buwan.
Ayon sa kaniyang mosyon, sinabi ni Ginang Binay na inimbitahan siya, asawang si dating Vice President Jejomar Binay at kaniyang buong pamilya na sumama sa isang Holy Land Pilgrimage kasama ang Salesian priests ng Don Bosco mula May 15 hanggang 29.
Nangako si Ginang Binay na babalik ng Pilipinas sa May 29 at tutugon sa mga kondisyong itatakda ng Korte para mapayagan siyang makasama sa nasabing pilgrimage.
Kaugnay nito, binigyan ng Korte ng limang (5) araw ang prosecution para mag komento sa nasabing mosyon ni Ginang Binay.
Si Ginang Binay ay nahaharap sa kasong graft at malversation dahil sa pagbili ng umano’y P45-M na halaga ng mga kama at sterilizers para sa ospital ng Makati at mahigit P72-M na halaga ng mga office equipment noong 2009.
By Judith Larino