Kinasuhan na ng mga kasong may kaugnayan sa korupsyon si dating Malaysian Prime Minister Najib Razak.
Ito ay kaugnay ng umano’y pagbulsa ni Razak sa 700 million dollars mula sa 1 Malaysia Development Berhad Fund ng pamahalaan.
Tatlong kaso ng criminal breach of trust ang inihain laban kay Razak bagay na mariing itinanggi ng dating Punong Ministro.
Matatandaang ilang taon na ring nakakaladkad sa isyu ng korupsyon ang pangalan ni Razak.
Tumindi pa ang isyu nang magsagawa ng raid ang mga awtoridad sa mga ari-arian ni Razak kung saan kanilang narekober ang 273 million dollars na halaga ng luxury goods at cash.
—-