Patay sa pamamaril ang dating manager ng isang radio station matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek sa Park Sampaguita sa brgy. New Carmen sa gitna ng pinaiiral na total gun ban ng Commission on Elections (Comelec).
Kinilala ang bikitima na si Jaynard Angeles, 36-anyos na dating manager ng isang radio station at isang political aspirant na kumakandidato sa ilalim ng partido ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na miyembro ng Partido Federal ng Pilipinas.
Sa inisyal na imbestigasyon, tinambangan si Angeles sa loob ng kanya kotse sa harap ng Falle Auto Repair Shop sa Purok Sampaguita, barangay New Carmen sa nabanggit na lugar.
Ayon sa SOCCSKSARGEN Police Regional Office, kanilang pang inaalam kung ang pagpatay sa biktima ay may kinalaman sa kaniyang pagtakbo o mayroong nakaalitan sa kaniyang katrabaho.
Samantala, tiniyak naman ni Presidential Task Force on Media Security Usec. Joel Egco na kanilang tututukan ang naganap na pagpatay sa isa na namang kasapi ng media. –Sa panulat ni Angelica Doctolero