Pormal nang naghain ng kanyang protesta si dating Manila Mayor Alfredo Lim sa tanggapan ng Commission on Elections o COMELEC.
Ito’y para kuwesyunin ang pagkapanalo ni incumbent Mayor at dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada sa nakalipas na halalan.
Ayon kay Atty. Renato dela Cruz, abogado ni lim, kahinahinala ang naging resulta ng halalan sa pagka-alkalde sa lungsod ng Maynila.
Hindi umano nagtugma ang resulta ng halalan sa mga certificates of canvass gayundin sa mga secure digital o SD cards na ginamit sa mga vote counting machine.
Naniniwala ang kampo ni Lim na sadyang minaniobra ang halalan sa lungsod para paboran si Estrada.
Estrada to Lim: Good luck
Welcome naman sa kampo ni incumbent Manila Mayor Joseph Estrada ang inihaing protesta ng kaniyang katunggali na si dating Manila Mayor Alfredo Lim.
Ito’y kaugnay sa pagkuwesyon ni Lim hinggil sa umano’y nangyaring dayaan sa mayorality race ng lungsod nitong nakalipas na halalan.
Ayon kay Estrada, hindi niya kailanman o ni minsan nagawa na mandaya lalo na’t sa haba ng kaniyang iginugol sa paglilingkod bayan.
Gayunman, good luck na lamang ang tanging mensahe na ipinaabot ni Estrada sa dating alkalde ngunit nanindigan ito na tama ang naging resulta ng halalan.
By Jaymark Dagala | Aya Yupangco (Patrol 5)