Patay ang isang dating mayoralty candidate sa Cebu City nitong nakalipas na 2019 elections makaraang tambangan ng limang hindi pa nakikilalang mga salarin.
Kinilala ng Mabolo Police Station ang biktima na si Ruben Feliciano nang barilin ito habang naglalakad pauwi sa kanilang tahanan dakong alas-6:30 kagabi.
Kasama ni Feliciano ang kaniyang pamangkin na kinilalang si Kim nang mangyari ang pamamaril ng mga salarin na sakay ng isang puting van.
Ayon sa mga rumespondeng operatiba ng Cebu City emergency services, wala nang pulso at hindi na rin humihinga nang madatnan nila si Feliciano.
Habang naisugot naman sa isang pribadong ospital sa Cebu ang pamangkin nitong si Kim na ngayo’y nasa mabuti nang kalagayan.
Nakuha mula sa pinangyarihan ng krimen ang limang basyo at pitong bala ng hindi pa tukoy na kalibre ng baril, tatlong deformed na mga bala at isang gloc caliber na pistola na may lamang 11 bala.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga pulis ang motibo sa krimen habang inaalam din ang pagkakakilanlan ng mga salarin.