Usap-usapan ngayon ang pagbibigay ng amnesty ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga dating miyembro ng mga rebeldeng grupo sa bisa ng Proclamation Nos. 403, 404, 405 at 406. Mismong Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF), suportado ang hakbang na ito ng Pangulo.
Tumutukoy ang amnesty sa pagbibigay ng awtoridad ng official pardon sa mga nahatulan ng political offenses. Ang pagbibigay ng amnestiya ay mahalagang parte ng comprehensive peace initiatives ng administrasyong Marcos upang magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas.
Hindi na bago ang pagbabalik-loob ng mga dating rebelde sa batas. Sa katunayan, noong August 10, 2023, 102 sa mga dating miyembro MILF at MNLF ang nanumpa bilang mga bagong miyembro ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR).
Noong July 26, 2018, pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11054 o mas kilala bilang Bangsamoro Organic Law. Ipinatupad ito noong August 10, 2018. Paraan ang Bangsamoro Organic Law upang makipag-areglo at maitigil ang tunggalian sa Mindanao.
Sa Article XI, Section 2, Paragraph 3 ng Bangsamoro Organic Law, nakasaad ang pag-facilitate ng entry ng mga dating miyembro ng MILF AT MNLF sa kapulisyahan.
Noong June 2022, higit sa 11,000 na dating miyembro ng MILF at MNFL ang nag-take ng qualifying exams ng Philippine National Police (PNP). Makalipas ang isang taon, June 22, 2023, nagsimula ang masusing screening ng PNP sa mga aplikante. Mula sa 11,000 na nag-exam noong nakaraang taon, 7,000 lang ang nakapasa at na-endorse ng Bangsamoro government.
Ayon kay PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo, mabusisi ang isinagawa nilang background checking. Aniya, kapag may derogatory record, automatically disqualified na sa recruitment process. Kaya naman mula sa 200 na ini-report na nasa clean list noong August 7, 2023, 102 lamang ang nanumpa matapos ang tatlong araw. 52 dito ay mula sa MILF; 50 naman ay galing sa MNLF.
Sa isang seremonya sa Camp Brigadier General Salipada K. Pendatun sa Parang, Maguindanao del Norte, hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga dating miyembro ng MILF at MNLF na piniling sumali sa kapulisyahan na maging halimbawa ng katapangan at ipagtanggol ang mga nangangailangan.
Sabi nga ng Pangulo, “The moment you take your oath, you pledge your allegiance not just to the Philippine National Police. You pledge your commitment and dedication to the public, to the Filipino people whom you promise to serve and protect.”
Samantala, inanunsyo naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong September 14, 2023 na nagsimula na ang recruitment para sa second batch ng mga dating miyembro ng MILF at MNFL na gustong sumali sa kapulisyahan.
Para kay Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), Secretary Carlito Galvez Jr., makatutulong ang pagpasok ng qualified MILF at MNLF members sa PNP upang maging reformed, peaceful, at productive silang miyembro ng lipunan, mula sa pagiging kalaban ng bayan.