Duda si dating National Security Adviser at Parañaque city 2nd district Rep. Roilo Golez sa bantang digmaan ng China laban sa Pilipinas.
Ayon kay Golez, tiyak na makakalaban ng Tsina ang iba pang bansa gaya ng Vietnam sakaling maglunsad ng agresibong hakbang sa South China sea.
“Hindi ako naniniwala na itutuloy ito sapagkat number 1 ‘yung China noong 2014, nagdala ng nakapakalaking oil rig sa loob ng EEZ ng Vietnam para sumipsip ng langis doon, anong ginawa ng Vietnam sinalubong sila at kinontra sila. Coast guard at fishing vessels ang sumalubong sa oil rig ng China, nagkaroon ng confrontation, umatras ang China, hindi ito nagkaputukan, kaya ‘yung pananakot na magkakaroon ng giyera, hindi nangyari.” pahayag ni Golez
Hindi rin anya biro para sa Tsina ang sumugal sa digmaan lalo’t may malaking epekto ito hindi lamang sa kanilang ekonomiya kundi sa buong mundo maging sa napakalaking populasyon ng naturang bansa.
“Rational din ang China, alam nila na kapag sila ay nagpaputok, hindi lang doon ang labanan, ang labanan ay lalabas pa sa Vietnam, magiging international issue ito, at maaapektuhan sila, economically and militarily, umatras sila dahil nararamdaman nila na sumasama ang imahe nila internationally. Mayroon tayong mutual defense treaty, kapag inatake ang sinumang myembro ng ating armed forces, public vessel, public aircraft, anywhere in the Pacific ay pwedeng kumilos ang America.” paliwanag ni Golez
By Drew Nacino
Dating National Security Adviser Roilo Golez duda sa bantang digmaan ng China laban sa Pilipinas was last modified: May 23rd, 2017 by DWIZ 882