Pumanaw na sa edad na 71 si dating National Security Adviser at Congressman Roilo Golez.
Ito ang kinumpirma ng anak ni Golez na si Parañaque Vice Mayor Rico Golez.
Ayon sa inisyal na report, cardiac arrest o atake sa puso ang ikinamatay ng dating opisyal.
Kilala si Golez bilang tagapagsulong ng karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Kamakailan lang ay nakapanayam pa si Golez ng DWIZ kung saan tinawag niyang pamimirata ang pang-aagaw ng mga Tsino sa mga isdang hinuli ng mga Pilipinong mangingisda sa Panatag Shoal.
Ayon kay Golez, hindi diplomatic protest ang dapat ihain ng Pilipinas laban sa China kundi dapat silang kasuhan ng piracy.
Hindi na aniya dapat maulit ang karanasan ng bansa sa Scarborough Shoal kung saan nakakaranas ng pang-ha-harass ng Tsina ang mga mangingisdang Pilipino.
“Medyo kasi nanahimik tayo eh tapos nung ang mga Filipino fishermen ay nakapangisda na sa Scarborough Shoal parang lumalabas na pinayagan tayo, parang lumalabas na tinanggap natin ‘yung kanilang pagpayag sa atin na hindi naman nararapat kasi wala silang karapatan para payagan tayo dahil hindi kanila ang lugar na ‘yan, remember na during the early months nung finally ay hindi na hinaharang ang ating mga fishermen parang nagpapasalamat pa tayo sa kanila na pinayagan nila tayong mangisda.” Ani Golez
Iginiit ni Golez na hindi dapat gawing katwiran ng pamahalaan na baka sumiklab ang giyera kung kokontrahin nito ang Tsina.
Binigyang diin ni Golez na hindi war fare ang dapat gamitin laban sa china kundi law fare o mga batas na kinikilala sa buong mundo.
“Ang gagamitin mo ay batas at dito sa atin ang armas natin hindi missile, hindi warship, hindi mga eroplano, kundi batas, at ang batas ay nasa ating panig, andiyan ang UNCLOS, andiyan ang ruling ng Arbitral Tribunal, at kung sa mula’t mula pa ito’y ginamit natin, agad nating ipinaalam sa China na “oh kayo natalo kayo sa ruling, nasa aming panig ang batas, dapat bilang isang sibilisadong bansa irespeto niyo ang batas”, marami pong bansa ang tutulong sa atin.” Pahayag ni Golez
(June 8, 2018 Ratsada Balita Interview)