Idiniin ng Malacañang si dating Philippine Navy Chief Vice Admiral Ronald Joseph Mercado sa kontrobersyal na frigate deal kung saan isinasangkot si Presidential Assistant to the President Secretary Bong Go.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ilang beses aniyang nakitang bumisita ang sinibak na Navy Chief sa corporate headquarters ng kumpaniyang Thales Tacticos sa The Netherlands.
Gayunman, aminado ang kalihim na hindi pa rin nila batid sa ngayon ang tunay na dahilan ng paulit-ulit na biyahe ni Mercado sa punong tanggapan ng Thales Tacticos na siyang supplier ng biniling frigate o barkong pandigma na pinirmahan noon pang nakalipas na administrasyon.
Pero iginiit ni Roque na batay sa mga hawak nilang ebidensya, pinatutunayan nito na may sariling interes si Mercado sa naturang kasunduan na nagkakahalaga ng 15 bilyong piso.
Kasabay nito, binigyang diin naman ni Roque na walang kumpas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tila isang bagsakang resbak ng mga miyembro ng gabinete para magbigay suporta kay Go sa pagdinig ng Senado kahapon.
‘Absuwelto si Go’
Absuwelto si Assistant to the President Secretary Christopher Bong Go sa pagkakaugnay nito sa 15.7 billion contract ng Philippine Navy.
Ayon kay Senate National Defense Committee Chairman Gringo Honasan, walang ebidensya na nakapagturo na may inimpluwensyahan ni Go ang pagbili ng dalawang frigates mula sa South Korea.
Tinukoy naman ni dating Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Ronald Joseph Mercado hindi kailangan man nakialam si Go sa FAP o frigate acquisition program.
Para naman kay Senador Loren Legarda, pagsasayang lamang sa oras ang pagharap ni Go sa komite dahil napatunayan na wala itong kinalaman sa naturang kontrata.
By Rianne Briones
Credit: Presidential Photo