Ilang linggo matapos mag-resign si dating Commission on Audit Chairman Jose Calida, itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si National Telecommunications Commission Commissioner Gamaliel Cordoba bilang ad interim chairman ng COA.
Sa isang pahinang appointment letter, ipinagkakatiwala ng Presidente kay Cordoba ang pamunuan ng state audit institution.
Nanumpa na rin si Cordoba sa harap ni Chief Justice Alexander Gesmundo bilang COA chief.
Kinumpirma rin sa DWIZ Patrol ni Supreme Court spokesperson Brian Hosaka ang panunumpa ni Cordoba.
Matatandaang naging kontrobersiyal si Cordoba matapos ipatupad ang ‘cease and desist order’ laban sa ABS-CBN na nagdulot ng tigil-operasyon ng radyo at telebisyon ng kompanya dahil sa pagkapaso ng prangkisa nito noong Mayo 2020.
Si Cordoba ay dati ring direktor ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) bago iniluklok ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang NTC commissioner noong 2009.