Sinibak ng Korte Suprema bilang abogado ang dating opisyal ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) dahil sa panloloko at paghingi ng P150,000 kapalit ng pag-aayos ng isang Annulment Case.
Ipinag-utos din ng Supreme Court en banc na alisin ang pangalan ni Atty. Remegio Rojas sa roll of attorneys matapos mapatunayang lumabag sa Lawyer’s Oath at Code of Professional Responsibility.
Nag-ugat ang Disbarment laban kay Rojas dahil sa reklamo ni Jocelyn Bartolome, na naging kaklase ng abogado sa kolehiyo.
Nakipag-ugnayan si Bartolome kay Rojas para magpatulong hinggil sa Annulment na nais isampa ng kanyang kapatid.
Ipinagmalaki umano ni Rojas sa Complainant na mayroon siyang kamag-anak na presiding judge sa Cotabato na maaaring magpabilis sa annulment proceeding kapalit ng P150,000 na ibibigay umano sa hukom.
Agad nagbayad si Bartolome ng P90,000 bilang advance payment pero nadiskubre ng complainant na ang ibinigay sa kanya na kopya umano ng Annulment Decision ay peke matapos nilang ipasuri sa National Statistics Office.
Iginiit ng S.C. na hindi maaaring palampasin ang ginawa ni Rojas na isa pa namang dating opisyal ng IBP– South Cotabato at General Santos Chapters bukod pa sa isa rin itong dating law professor at opisyal ng iba’t ibang civic organizations.