Arestado ang isang dating opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ginawang pagsalakay ng mga awtoridad sa isang shabu laboratory sa Sta. Cruz Maynila.
Naaktuhan umano ng mga elemento ng PNP- Anti Illegal Drugs Group sina Yan Yi Shou, 33-anyos, isang Chinese national at Col. Ferdinand Marcelino ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at dating direktor ng special enforcement service ng PDEA.
Nasamsam naman ng mga awtoridad ang 64 na kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit 300 milyong piso sa pagsalakay sa pagitan ng Felix Huertas Street at Batangas Street sa nasabing lungsod.
Ayon sa PDEA, sinalakay ang lugar sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Quezon City Regional Trial Court dahil sa hinalang ginagamit ito tambak ng mga iligal na droga.
Ayon naman kay DILG Secretary Mel Sarmiento, napag alaman nila sa AFP na walang assignment sa naturang lugar si Marcelino.
Tiniyak ni Sarmiento na walang sasantuhin ang kanilang imbestigasyon kahit pa miyembro ng AFP ang nasasangkot.
By Jelbert Perdez | Jonathan Andal