Nanindigan si dating Palawan Governor Joel Reyes na hindi siya aalis ng bansa sa kabila ng hirit ng Ombudsman sa Sandiganbayan na muli siyang arestuhin at kanselahin ang kanyang piyansa.
Ito ang tugon ni Reyes makaraang mabigo ang Sandiganbayan na maglabas agad ng ruling sa urgent motion ng prosekusyon na ibalik sa kulungan ang dating Gobernador sa pangambang tumakas itong muli gaya ng kanyang ginawa sa Thailand, noong 2015.
Sa kanyang pagdalo sa hearing kaugnay sa mosyon sa sala ni Sandiganabayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, kahapon, iginiit ng dating Gobernador na hindi niya tatakasan ang anumang kaso dahil naniniwala siya sa rule of law.
Sa kabila ng hirit ng Ombudsman para sa mabilisang desisyon, binigyan ng 3rd Division ang mga abogado ni Reyes nang hanggang Lunes upang sagutin ang mosyon.
Si Reyes na pangunahing akusado sa pagpatay sa environmentalist at broadcaster na si Doctor Gerry Ortega ay pinalaya noong January 5 ng court of appeals dahil walang batayan ang Palawan Regional Trial Court na ipagpatuloy ang paglilitis sa kanyang kaso.