Humarap si dating Pangulong Noynoy Aquino sa tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) kaugnay ng reklamong inihain ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC.
Ito ay matapos akusahan ng VACC ang dating Pangulo na lumabag umano sa batas ng eleksyon nang aprubahan ang pagpapalabas ng 3.5 billion pesos para sa pagbili ng Dengvaxia vaccine sa panahon ng eleksyon.
Dito, itinanggi ni Aquino na ginamit niya ang naturang programa para sa pangangampanya dahil labing anim (16) na araw bago ang election ban nang maaprubahan ang pagbili ng Dengvaxia.
“Kailan ko pinirmahan ‘yung use of savings, December 29, 2015, malayo po sa March 25, 2016, kailan po ‘yung purchase order, ‘yung mismong paggugol na nung disbursement, March 9, again mga 16 days from the start of the ban on disbursing, doon pa lang available record, kung kailan kayo nag-disburse, kailan nag-authorize, lahat ‘yun before the start of the election ban or the election period.” Ani Aquino
Nanindigan ang dating Pangulong Aquino na walang laman, walang saysay at pilit ang mga reklamong inihain laban sa kanya sa COMELEC.
“Sa tama at makabuluhang sistema ng katarungan ang utos ng batas sa nagrereklamo ay isaad nang malinaw at kumpleto ang reklamo at ipakita ang konkretong pruweba para rito, ang reklamong ito ay nagmumula sa kathang-isp at maling layunin, klarong bagsak ito sa lahat ng pamantayan ng batas at ng katotohanan.” Dagdag ni Aquino
Sa huli, kumpiyansa si Aquino na mababasura lamang ang reklamo ng VACC.
“Klaro rin po na ang nararapat na hantungan ng ganitong reklamo ay ang basurahan, inaasahan po natin na gagawin ng COMELEC ang tama at ‘yan ay ang i-dismiss ang reklamong ito sa lalong madaling panahon.” Pahayag ni Aquino
(May ulat ni Aya Yupangco)