Humarap si dating Pangulong Noynoy Aquino sa pagdinig ng House Committee on Health ukol sa kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.
PNoy nasa hearing ng Good Government Comm.tungkol sa dengvaxia vaccines @dwiz882 pic.twitter.com/77occcwaQ7
— Jill Resontoc – DWIZ -882 AM radio (@JILLRESONTOC) February 26, 2018
Dito mariing sinabi ng dating Pangulo na ginagamit ng ilang personalidad ang isyu ng Dengvaxia para sa pamumulitika.
Ipinaalala ni Aquino na may kaakibat na responsibilidad ang pagiging opisyal ng pamahalaan at hindi dapat ginagamit ang kanilang mga posisyon sa pagpapakaba at pagpapakalat ng mga pagdududa.
“Lahat na lang po may opinyon kuwalipikado man o hindi, tanong ko po sa pagpapakaba, sa paghahaka-haka, sa pagpapaduda, tinutupad ba ninyo ang promotion of social welfare pati na ang protection of life?” Ani Aquino
Sinabi ng Pangulo na dahil sa mga iresponsableng mga pahayag ng mga kasalukuyang opisyal ng pamahalaan ay nagdulot ito ng pangamba maging sa iba pang programa ng bakuna.
“Katumbas nun ang posibilidad ng karamdaman at karugtong nun ang lahat ng uri ng problema gaya ng pagpapa-ospital, kawalan ng kita at posibleng kamatayan.” Dagdag ni Aquino
Binigyang diin ni Aquino na humarap siya sa pagdinig dahil sa obligasyon aniya niyang dalhin sa tamang antas ang usapin ay ilayo ito sa mga haka-haka na nagdudulot ng pinsala sa mga mamamayan.
“Hindi po natin maikakailang matagal na ang problema ng dengue sa ating bansa, ginawa natin ang lahat ng ating magagawa batay sa payo ng ating mga dalubhasa, hindi nga natin masasabing tuluyan tayong nagtagumpay kung titingnan ang datos mula sa DOH. Sa pagtatapos ng ating termino, dumating ang isang kagamitang magdadala ng bago at dagdag na proteksyon sa taongbayan, nagpapasalamat po tayo sa Kongreso sa poder na ibinigay nila sa pamamagitan ng pag-apruba sa pambansang budget, dahil sa inyo nadagdagan ang proteksyon ng sambayanan, salamat din po sa mga grupo ng doktor na nilalayo ako sa piling ng pulitika at binabalik ito sa katuwiran, panghuli salamat sa mga kawani ng gobyerno na bagamat tinatakot ay patuloy na nagsasabi ng totoo.” Pahayag ni Aquino
—-