Nakapaglagak na ng P40,000 piyansa sa Sandiganbayan si dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ito ay kaugnay sa mga kasong graft at usurpation of authority na isinampa sa dating Pangulo kaugnay ng pumalpak na Mamasapano operation noong 2015.
Sinamahan si Aquino ng kanyang mga kapatid na sina Ballsy Aquino –Cruz, Pinky Aquino-Abellada at Viel Aquino-Dy at ng kanyang abogado nang magtungo sila sa 3rd Division ng Sandiganbayan Clerk of Court .
Sa kanyang press conference sa kanyang tahanan sa Times Street sa Quezon City, ipinaliwanag ng dating Pangulong Aquino ang naging operasyon sa Mamasapano, Maguindanao.
Inamin ng Pangulo na nabola siya at napaniwala ng mga opisyal na humawak sa naturang operasyon.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni dating Pangulong Noynoy Aquino
Kasabay nito, tiniyak ni Aquino na hindi niya tatakasan ang mga kinakaharap niyang kaso sa Sandiganbayan.
Nanindigan ang dating Pangulo na hindi siya magpapaospital at kanyang haharapin ang kaso.
Naniniwala si dating Pangulong Aquino na nasa panig niya ang katotohanan.
Nahaharap ang dating Pangulo sa kasong graft at usurpation of authority dahil sa pumalpak na operasyon sa Mamasapano Maguindanao noong 2015.
Samantala, hindi mag-iinhibit si Sandiganbayan Presiding Judge Amparo Cabotaje Tang sa kaso ni dating Pangulong Noynoy Aquino kaugnay sa Mamasapano incident na napunta sa kanyang sala.
Ito ay kahit pa dating appointee ng dating Pangulo si Tang.
Nangako ang 3rd division chair na siya ay magiging patas sa paghawak sa kaso ni dating Pangulong Aquino.
—-