Kinumpirma mismo ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na iniimbestigahan na ng Department of Justice Task Force si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod aniya ito ng mga binitiwang pahayag ng dating pangulo sa pagdinig ng Quad Committee ng kamara.
Ayon sa kalihim, tinitignan ng task force ang posibleng paglabag ng dating presidente sa Republic Act no. 9851 o International Humanitarian Law, kaugnay sa sinasabing extrajudicial killings sa ilalim ng kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon.
Dagdag pa ni Sec. Remulla, hindi malabo na mag-overlap ang imbestigasyon ng International Criminal Court sa kanilang isinasagawang pagsisiyasat.
Gayunman, nais ng kalihim na magkaroon ng hiwalay na kasong isasampa ang ICC sa mga ihahaing kaso sa mga korte sa Pilipinas laban sa dating pangulo.