Isa umanong “ipokrito” si dating Pangulong Rodrigo Duterte ayon sa isang dating spokesman.
Kasunod ito sa akusasyon ni dating Pangulong Duterte laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ng paninikil matapos makansela ang prayer rally ng Maisug sa Tacloban City, Leyte.
Sa isang open letter, sinabi ni dating Pangulong Duterte na hindi niya kailanman pinigilan ang sinuman na gamitin ang kanyang karapatan na magtipon. Aniya, mahalaga ang malayang pamamahayag.
Sa isang social media post sa X, inihayag ng dating spokesman na si Atty. Barry Gutierrez na “wala talagang prinsipyo” si dating Pangulong Duterte.
Saad niya, “Nung siya ang nasa poder, inipit, tinakot, ipinakulong, at pinatahimik niya ang oposisyon, media, at tagapagtanggol ng karapatang pantao.”
Sa ilalim ng administrasyong Duterte, puwersahang ipinasara ang isang malaking TV network at pinagbawalan ang isang reporter na mag-cover sa Malacañang na nagresulta sa matinding epekto sa malayang pamamahayag.
Sa panig naman ni Pangulong Marcos, isinusulong niya ang pagkakaroon ng isang malaya at ligtas na komunidad para sa mga Pilipinong mamamahayag.
Sa 50th anniversary ng Foreign Correspondents Association of the Philippines, sinabi ni Pangulong Marcos na bilang lider ng bansa, papel niyang protektahan ang press freedom at hindi pangunahan ang pagsira o pagmamaliit sa practitioners nito.
Nilinaw naman ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez na nakansela ang flights ng mga lalahok sa prayer rally papunta sa lungsod dahil kasalukuyang inaayos ang kanilang airport. Noong panahon ding iyon, nananalasa ang bagyong Aghon sa lalawigan.
Dagdag pa ni Mayor Romualdez, kung mayroon silang problema, hindi dapat ito ayusin sa kalye. Bise presidente naman umano ang anak nitong si Vice Pres. Sara Duterte at anumang oras, pwede nitong kausapin si Pangulong Marcos.