Nagpaabot ng pakikiramay ang mag-amang sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte – Carpio sa pamilya ni yumaong dating Pangulong Fidel Ramos.
Ayon kay dating Pangulong Digong, labis niyang ikinalungkot ang pagpanaw ng kapwa niya dating punong ehekutibo.
Kasabay ng pagdadalamhati, ipinanawagan ng nakatatandang Duterte ang pagkilala sa mga pamana at mahalagang ambag sa bayan ni Ramos.
Tinawag naman ni VP Inday si FVR bilang isang tunay na “Makabayan” na humikayat sa mga unipormadong manggagawa na pahalagahan ang kanilang integridad bilang public servants.
Dapat anyang magsilbing inspirasyon ang buhay ni Ramos at ang napakalaki nitong pamana na kanyang itinatag bilang pagpapakita ng pagmamahal sa bayan at mga kapwa Filipino.
Taong 2016 nang suportahan ni FVR ang kandidatura ng nakatatandang Duterte sa presidential elections pero kalauna’y naging kritiko ng mga polisiya ng Duterte administration.