Pinayagan ng Sandiganbayan 5th Division ang hirit ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na 5-hour furlough na hirit nito para madalaw ang maysakit na kapatid.
Bukas, araw ng Martes, maaaring lumabas ng kanyang detention si Ginang Arroyo para makadalaw sa Makati Medical Center kung saan naka-confine ang kapatid na si Arturo Macapagal.
Maaaring manatili si Ginang Arroyo sa ospital at makasama ang kapatid mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi tulad ng nakasaad sa kanyang petisyon.
Napag alamang nasa 4th stage na ang prostate cancer ng nakatatandang kapatid ni Ginang Arroyo at batay umano sa opinyon ng kanyang mga doctor maaaring hindi na magtagal ang buhay nito.
Nakapaloob rin sa resolusyon ng Sandiganbayan na dapat sagutin ni Ginang Arroyo ang gastos sa seguridad na ilalatag para sa kanya ng PNP.
By Len Aguirre