Aminado si dating Pangulong Noynoy Aquino III na minadali ang pagpapalabas ng pondo para sa pagbili ng kontrobersiyal na Dengvaxia anti-Dengue vaccine noong December 2015.
Inihayag ni Aquino sa pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee kahapon na magsasara na noon ang taon at kung hindi pa siya kikilos ay malulusaw ang ipon noon ng gobyerno dahil papasok na iyon sa national treasury.
Sa oras aniya na maipasok ito sa national treasury ay dadaan na ito sa panibagong otorisasyon ng Kongreso sa pamamagitan ng supplemental budget at isa itong matagal na proseso.
Dagdag pa ni Aquino, nang mga panahong iyon ay mabilis na dumami ang nagka-Dengue kaya ginawa lamang niya ang dapat na aprubahan at wala naman aniyang tumutol sa naging desisyon o babala na may masamang dulot ang bakuna.