Pinulong na ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang kanyang legal team at tinalakay ang desisyon ng Ombudsman kaugnay sa pagbasura sa kanyang motion for reconsideration sa mga kasong usurpation of authority at anti-graft and corrupt practices act.
Dahil sa desisyon ng Ombudsman, i-aakyat na sa Sandiganbayan ang kaso ni Ginoong Aquino upang litisin at malaman kung nagkasala siya.
Ayon kay Atty. Abigail Valte, tagapagsalita ng dating Pangulo, tinalakay sa pulong ang mga susunod na hakbang ng kanilang kampo sa naging desisyon ng Ombudsman.
Nag-ugat ang mga kaso sa Mamasapano incident kung saan 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force ang namatay sa gitna ng pagtugis sa Malaysian terrorist na si Zulkipli Bin Hir alyas Marwan sa Maguindanao.
Ang nagbigay umano ng utos at nagplano ng operasyon ay si dating PNP Chief Director-General Alan Purisima na suspendido noong panahon na inilunsad ang Oplan Exodus.
Ulat ni Jopel Pelenio
SMW: RPE