Ipinauubaya na ng senado sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang pagsasampa ng kaso laban sa lahat ng mga sangkot sa pagbili ng kontrobersyal na anti – dengue vaccine na Dengvaxia.
Ito’y ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon makaraang tapusin na ng komite ang kanilang pagdinig hinggil sa usapin.
Sinabi sa DWIZ ni Gordon na nakatitiyak siyang walang opisyal ng nagdaang administrasyon ang maliligtas sa kaso lalo’t maraming buhay aniya ang nalagay sa peligro dahil sa naturang bakuna.
“Yan ang pinaka ano, yung paghabla. Ang recommendation namin, kung gagalaw ang DOJ, eh ang DOJ hindi maganda ang record nyan eh, ang ombudsman mag de-demanda sila madalas pero mabagal ang pag-usad ng kaso pero may nakikitang mga facts ay you can go all the way to the top which means ay lahat sila ay nainvolved at lahat ng nainvolved sa dengvaxia na ito magmula nung nagsimula yung pag ne-negotiate nila dito sa Sanofi ay tatamaan. Actually, ang tanong ko lang ay simple lange, makukuha at magagawa ba ito kung walang signal ng presidente ?”
Giit pa ni Gordon, lumalabas sa imbestigasyon na sadyang minadali ang pagbili sa nasabing bakuna sa kabila ng babala ng Sanofi hinggil sa epekto ng Dengvaxia sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue.
“Ang patunay diyan ay hindi lamang yon ngunit yung timeline na makikita mo na mabilis na mabilis ang pagtakbo at pag permit nitong Dengvaxia at pati yung pakikialam doon sa pormularyo, makikita mo na talagang may ni-rush, may mga doktor at mga dalubhasa na sinabing wag na gamitin, kung may tatamaan kung wala pang turok ng may dengue, at isa pa diyan ay bakit ibinigay sa napakarami? Reckless imprudence e.”
(From Sapol Interview)