Dapat nang payagan ng pamahalaan si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo na makapagpiyansa.
Ito ay matapos igiit ng United Nations Working Group on Arbitrary Detention na paglabag sa karapatang pantao ang pagkakadetine ni Arroyo.
Paliwanag ng tagapagsalita ni Arroyo na si Atty. Raul Lambino, ang international law ay bahagi aniya ng batas ng Pilipinas na dapat ay ipinatutupad.
“Ngayon ang Pilipinas sana kung talaga pong sensitibo sila at gusto nilang ipairal ang mga batas dito sa atin ng tama, eh dapat po ang gobyerno ngayon, ang administration o ang executive department sila na po dapat ang magtama ng kanilang kamalian, mag-file na po sila ng motion sana na itama ang kanilang kamalian as found by the United Nations.” Ani Lambino.
Kung patuloy na magmamatigas ang pamahalaan ay tiyak aniyang maaapektuhan ang pagtingin ng international community sa pilipinas dahil sa pagbalewala nito sa karapatang pantao.
“Sa tingin po ngayon ng buong mundo ang Pilipinas po ay violator ng human rights, dahil ngayon lang po nagkaroon ng ganitong desisyon eh.” Dagdag ni Lambino.
Samantala, inamin ni Lambino na walang ngipin ang mga alituntuning ipinalalabas ng UN.
“Na kung ipagpipilitan pa rin ng isang bansang katulad ng Pilipinas na kayang ipatupad itong mga ipinalabas nilang alituntunin, ay wala pong definite o specific function na mai-impose, hindi po katulad ng ibang gobyerno na puwede kang parusahan o kaya ay giyerahin ka.” Pahayag ni Lambino.
By Ralph Obina | Karambola