Aminado si dating Pangulong Noynoy Aquino na isang kamalian ang nauna niyang pahayag na kasama si dating Health Secretary Enrique Ona sa pulong nila sa mga opisyal ng Sanofi Pasteur sa Beijing, China, noong Nobyembre 2014.
Magugunitang inihayag ni Aquino sa Senate Blue Ribbon Committee hearing hinggil sa dengvaxia noong Disyembre na nagkaroon ng briefing sa pagitan nila ni Ona na nandoon sa pulong.
Gayunman, nilinaw ng dating Pangulo na bagaman mayroon silang mga record ay hindi naman minsan maiwasang magkamali lalo’t may mga isyu ng kinakaharap noon si Ona hinggil sa kanyang kalusugan.
Imposible naman aniyang matandaan niya lahat ng kanyang ginawa sa bawat araw sa nakalipas na anim na taon kaya’t kinailangan niya ng tulong ng ilang tao na kalauna’y nagkamali.
Una nang naghugas kamay si dating Health Secretary Enrique Ona sa inilargang dengue vaccination program sa ilalim ng Aquino administration.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Ona na Disyembre ng taong 2014 nang magbitiw siya sa puwesto habang 2016 naman nang simulan ang pagbabakuna ng dengvaxia sa libo-libong mga kabataan.
Dahil dito, iginiit ni Ona na ang sumunod sa kanyang namuno sa DOH na si dating Health Secretary Janette Garin ang dapat managot sa problemang pangkalusugan na idinulot ng dengvaxia.